Mga kaibigan at kalakbay,
Habang papalapit nanaman ang isang napakalakas na bagyo, ako’y napuno ng pag-aalala at takot para sa mga bayan na nasalanta ng Yolanda noong nakaraang taon lamang. Ang mga maliliit na barangay sa tabing dagat, ang ating mga mangingisda, magsasaka, magniniyog, ang mga nanay at mga bata. Mula rito sa Vancouver, para akong nag-call center agent at tinawagan ang mga community partners sa Leyte at Samar nitong nakaraang mga araw. Maraming nakapaghanda na, ngunit may pangamba at takot pa rin sa tinig ng aking mga kaibigan. Mayroong tunay na galak din na sila’y naaalala at hindi nag-iisa sa mga panahong ito.
Nagising ako nitong umaga na mabigat at madilim ang pakiramdam, tulad ng makulimlim na langit dito sa kabilang dulo ng mundo…
Hanggang sa malakas akong hinila pabalik sa isang sulok ng aking kwarto, nilatag ang mat, at naisipang gumalaw sabay ang aking hininga. Agad-agad ay lumambot at bumukas ang aking gitnang-puso, lumuha ng tuluyan, at inalay ang aking lungkot at mga takot. Hinalik ang nuo sa lupa, pinaabot ang dibdib sa langit. At mula rito, madaling dumaloy muli ang liwanag at lakas, na inaalay ko ng buong-buo sa ating mga kababayan.
Huwag matakot, hindi tayo nag-iisa. Sana’y sama-sama tayong mag-alay ng ating buong puso’t isipan, ng ating buong paghinga at paggalaw, para sa ating kapwa.
Mabuhay! Mabuhay tayong lahat!
#AngMagmahalNgDahilSayo